SANAYAN LANG ANG PAGPATAY Fr. Albert Alejo, SJ
ALBENTO, NEIL JOHN V. BSCRIM 2A
BLOG #3
SANAYAN LANG ANG PAGPATAY
Fr. Albert Alejo, SJ
(Para sa sektor nating pumapatay ng tao)
Pagpatay ng tao? Sanayan lang ‘yan pare.
Parang sa butiki. Sa una siyempre
Ikaw’y nangingimi. Hindi mo masikmurang
Tiradurin o hampasing tulad ng ipis o lamok
Pagkat para bang lagi ‘yang nakadapo
Sa noo ng santo sa altar
At tila may tinig na nagsasabing
Bawal bawal bawal ‘yang pumatay.
Subalit tulad lang ng maraming bagay
Ang pagpatay ay natututuhan din kung magtitiyaga
Kang makinig sa may higit na karanasan.
Nakuha ko sa tiyuhin ko kung paanong balibagin ng tsinelas
O pilantikin ng lampin ang nakatitig na butiki sa aming kisame
At kapag nalaglag na’t nagkikikisay sa sahig
Ay agad ipitin nang hindi makapuslit
Habang dahan-dahang tinitipon ang buong bigat
Sa isang paang nakatingkayad: sabay bagsak.
Magandang pagsasanay ito sapagkat
Hindi mo nakikita, naririnig lamang na lumalangutngot
Ang buo’t bungo ng lintik na butiking hindi na makahalutiktik.
(Kung sa bagay, kilabot din ‘yan sa mga gamu-gamo.)
Nang magtagal-tagal ay naging malikhain na rin
Ang aking mga kamay sa pagdukit ng mata,
Pagbleyd ng paa, pagpisa ng itlog sa loob ng tiyan
Hanggang mamilipit ‘yang parang nasa ibabaw ng baga.
O kung panahon ng Pasko’t maraming paputok
Maingat kong sinusubuan ‘yan ng rebentador
Upang sa pagsabog ay magpaalaman ang nguso at buntot.
(Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit
Patuloy pa rin ‘yang nadaragdagan.) Kaya’t ang pagpatay ay
nakasasawa rin kung minsan.
Mabuti na lamang at nakaluluwag ng loob
Ang pinto at bintanang kahit hindi mo sinasadya
At may paraan ng pagpuksa ng buhay.
Ganyang lang talaga ang pagpatay
Kung hindi ako ay iba naman ang babanat;
Kung hindi ngayon ay sa iba namang oras.
Subalit ang higit na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob
Ay ang malalim nating pagsasamahan:
Habang ako’y pumapatay, kayo nama’y nanonood.
Gabay sa Pagsusuri
1. Sino ang personang nagsasalita sa tula? Ano ang kanyang sinasabi?
Ang personang nagsasalita sa tula ay ang awtor mismo ng tulang SANAYAN LANG ANG PAGPATAY na si Fr. Albert Alejo, SJ. Sinasabi niya ang hindi mabuting nagaganap o hindi makatarungang gawain ng tao sa iba't-ibang panig ng mundo, na kung saan ay inilalarawan nito ang hindi nararapat na kasanayan sa pagpatay na siyang nagbibigay ng halimbawa upang mapansin ng bawat isa ang mga hindi mabuting gawain. Ng sa gayon, ay ating maiwasan ang mga masasamang gawain at nang mabigyan ng solusyon ang lahat ng mga problema upang ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakapantay-pantay na pamumuhay.
2. Ano’ng hayop ang pinapaslang sa tula? Paano ito natutulad sa pagpaslang sa tao?
Ang hayop na pinaslang sa tula ay isang butiki. Ang pagpaslang sa butiki sa tula ay gaya din sa pamamaraan ng pagpaslang ng mga tao sa kanilang kapwa. Sapagkat, may mga pagkakataon na ang tao ay bigla na lang namamatay dahil sa mga kriminal na walang awang pumapaslang sa kanila ng walang kalaban-laban at kaalam-alam.
3. Ano ang ibig sabihin ng huling taludtud ng tula?
“Habang ako’y pumapatay, kayo nama’y nanonood.” Ibig sabihin nito ay may mga taong gumagawa ng kasalanan subalit ang iba’y nagbubulag-bulagan lamang sa mga pangyayaring hindi na tama sa karapatang pantao ng ibang tao.
4. Kanino iniaalay ng may-akda ang tula? Sino-sino kaya sila?
Iniaalay ng may akda ang tula sa mga taong kriminal na walang awang pumapatay sa mga taong walang kalaban laban. Sapagkat ang buhay ay mahalaga at ito'y nasasayang dahil sa mga taong walang konsensya kung pumatay. Mga taong nagpapadala sa galit, selos, inggit at iba pa na siyang dahilan upang sila'y kumitil ng buhay.
Mungkahing Gawain
1. Magsaliksik tungkol sa partikular na kaso ng pagpaslang sa panahon ng
kasalukuyang administrasyon. Matapos ay gumawa ng maikling reaksyong papel
hinggil sa kasong nasaliksik.
2 dawit sa pagpatay sa kapwa teenager sa Cavite
Naaresto noong Martes ang 2 teenager na suspek sa pagpatay sa kapwa teenager sa bayan ng General Trias, Cavite.
Kinilala ng General Trias police ang mga suspek bilang sina alyas "Orac" at alyas "Papot," kapwa 15 anyos at nahuli sa buy-bust operation sa Barangay San Francisco.
Dawit ang 2 sa pagbaril at pagpatay noong Hunyo 9 kay Alfie Duhig, 17 anyos, ayon kay Police Col. William Segun, direktor ng Cavite police.
Nag-ugat ang galit ni "Orac" kay Duhig matapos umano nitong bastusin ang kanyang kapatid, ani Segun.
Inamin ni "Orac" ang pagbaril kay Duhig habang si "Papot" naman ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit nila sa pagtakas.
Dalawang beses nang naaresto noon si "Papot" dahil sa ilegal na droga.
Pitong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P56,000 ang nakumpiska sa mga suspek sa buy-bust operation.
Nahaharap ang 2 suspek sa mga kasong murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Desidido ang Cavite police na isailalim ang 2 suspek sa kanilang kustodiya kahit mga menor de edad pa ang mga ito.--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Reference: https://news.abs-cbn.com/news/06/19/19/2-dawit-sa-pagpatay-sa-kapwa-teenager-sa-cavite
Reaksyong Papel
Kung sana ang tao ay marunong magpatawad, mababawasan ang suliranin ng ating bansa at magkaroon ng kapayapaan ang bawat isa. Ang galit ay isa sa dahilan upang makagawa tayo ng kasalanan at ang malala pa makakagawa tayo ng isang karumal dumal na krimen na siyang pagsisisihan rin natin sa huli. Hindi rin talaga maiiwasan ang magalit sa ating kapwa kung ito ay nambastos sa ating kapatid dagdag pa na gumagamit ang dalawang menor de edad ng ipinagbabawal na gamot. Ito ay hindi tama at labag sa batas at sa kautusan ng Diyos kaya't nararapat lang na sila ay nakulong at harapin ang kahihinatnan ng kanilang nagawa.
4. Nakasusulat ng sariling akdang pampanitikang tumatalakay sa iba’t ibang isyu ukol sa karapatang pantao;
Droga ating iwasan
(Tula ni: Neil John V. Albento)
Droga sa atin ay nakapipinsala
Mga problema at hirap ang siyang dala
walang hatid na rangal sa ating kapwa
ano ngang buti kung susumpain kita.
Aking kapwa, ika'y aking binabalaan
sa kapahamakan droga ang may laan
kung susundin, mainam pag-asa ng bayan
kung di nama'y paalam aking kaibigan.
Ang bawal na gamot ay nakamamatay
kapag sinubukan ay totoong lumalatay
di lamang sa puso't isip kung magbigay
kundi pati sa pamilyang umagapay.
Buhay mo, buhay ko atin ng iligtas
mula sa pinsalang sa ati'y uutas.
aking minamahal na mga kaibigan
atin nang piliin ang tamang daan
Droga ay atin nang iwasan
para ating kinabukasan.
5. Mapahahalagahan ang dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad at ng
panitikan.
Mapahahalagahan ang dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad at ng panitikan kung gamitin ito ng tama. Sapagkat nakasalalay sa atin ang pagka Pilipino. Bilang isang mag-aaral ako'y namulat na sa ibinigay na importansya ng panitikan sa atin. Ito'y nakapagbibigay kaalaman upang tayo ay manatiling mulat sa reyalidad ng ating bansa. Sapagkat sa panitikan nagkakaugnay ang lahat ng bagay.
Comments
Post a Comment